Batay sa kasalukuyang Karta ng Philippine Sports Commission (PSC), ang RA06847, hindi binibigyan ng katiyakan ang termino ng tagapangulo at apat na komisyunado nito.
Bunsod nito, naghain si House Speaker Prospero Nograles ng panukala, ang HB06242, na may layuning mabigyan ang mga opisyales ng Commission ng apat na taong permanenteng termino o kapangyarihan alinsabay sa termino ng Olympics para maipagpatuloy at maipatupad ng tuwiran at buhayin ang mga programa ng komisyon.
Sinabi ni Nograles na iminungkahi niya ang naturang pag-amiyenda sa karta upang mabigyan ng mas mahabang termino ang mga opisyales ng nabanggit na tanggapan para maipatupad ng husto ang mga programa ng palakasan sa bansa.
Ayon sa kanya, maaari umanong italaga ngayong araw na ito bilang chairman at mga commissioner ang mga appointee pero sisibakin din sila sa susunod na araw kaya dapat na mabibigyan ng katiyakan ang mga opisyales na ito sa pamamagitan ng pagtalaga sa kanila ng apat na taong permihang termino o kapangyarihan .
Sa ganitong paraan umano maaangkin ng PSC officials ang mga programa upang maghanap ng mga magagaling at talentadong mga atleta na kanilang sasanayin para isama sa ibubuong national pool na ipapadala sa Olympic games.
Sa pag-amiyenda ng RA 6847, bibigyan ng kapangyarihan ang PSC Board of Commissioners na palakasin, ipahayag at magpatupad ng mga alituntunin at kautusan na kinakailangan para makamit ng PSC ang kanilang minimithing layunin.