Thursday, June 11, 2009

Pangangalakal sa edukasyon, ipinatitigil ng solon

Dapat matigil na ang pangangalakal ng mga paaralan sa edukasyonsa pamamagitan ng pagdeklarang maging labag na sa batas na isama ang board review session sa kurikulum sa mga magtatapos na mag-aaral.

Ito ang nilalaman ng inihaing panukala, ang HB02380, ni Bayan Muna Rep Teddy Casino na may layuning pagmumultahin ng halagang P100,000 hanggang P300,000 at ituturing na kasong kriminal ang sinumang paaralan ang sapilitang pag-aralin ang kanilang mga estudyante sa mga review center na kanilang pag-aari o koneksyon.

Sinabi ni Casino na ang ganitong gawain ay nagpapabawas sa karapatan at kalayaan ng bawat mamamayan na protektado ng ating Konstitusyon at ang lahat ay may kalayaang mamili ng paraalan sa nais nila at dapat itigil na ang pangangalakal sa edukasyon.

Hinalimbawa ng mambabatas ang gusot na nangyari noong 2006 sa nursing board examination kung saan nakita at nailantad sa publiko ang totoong kalagayan ng sistema ng ilang tiwaling institusyon sa edukasyon.

Hindi lamang daw pandaraya ang naging isyu sa ilang review centers kundi ang mataas na sinisingil ng nursing schools kapag isinama ang board review session at wala nang pagkakataon ang mga estudyante na mamili ng review center na kanilang nais.

Nakasaad din sa panukalang batas na iligal na ipagkait ang scholastic documents sa mga estudyante at igiit ang review centers na gusto ng paaralan.