Thursday, June 25, 2009

Paggamit ng plastic bags, ipagbabawal na

Ipaguutos sa lahat na mga supermarket at sa mga may-ari ng mga tindahan na gumamit ng reusable bags - bag na puwedeng gamiting muli - na mga gawa ng canvas o tela sa kanilang mga negosyo sa sandaling maging ganap na na batas ang panukala, ang HB05853, ni Albay Rep Reno Lim na may layuning maprotektahan ang kalikasan.

Sinabi ni Lim na dapat i-encourage ang mga mamimili at ang mga retailer na gumamit ng mga reusable bag upang mapalitan na ang mga kasalukuyang ginagamit na plastic bag.

Batay sa panukala ni Lim, ipag-uutos sa mga may-ari ng tindahan at supermatket na mag-establisa ng tinatawag na at-store recycling program na siyang uudyok sa publiko na ideposito ang kanilang mga plastic bag sa isang holding storage ng establisiyemento, mga plastic bag na kinokonsiderang non-biodegradable material.

Ayon kay Lim, madali umanong nililipad ng hangin ang plastic bag, makapuslit sa landfills at garbage bins, mag-pollute ng mga waterway at magdulot ng peligro sa mga isda at wildlife, at makabara sa emburnal sa kalsada na siyang naging dahilan ng mga pagbaha.

Marami na umanong mga pagkilos sa buong mundo upang maresolbahan ang ganitong problema at maibaba ang antas ng paggamit ng mga plastic bag ngunit marami pa ring mga tao gumagamit at tumatangkilik nito.