Wednesday, June 03, 2009

Pag-angkat ng arina na di binubuwisan, tinutulan

Mariing tinutulan ni ABA-AKO party-list Rep Leonardo Montemayor ang pagpapalawig ng zero-percent tariff sa mga inaangkat na arinang ginagamit sa paggawa ng tinapay at pakain o patuka ng mga alagang hayop.

Ayon kay Montemayor kapag pinalawig ang pagpapatupad ng Executive Order 765 kung saan walang binabayarang taripa ang pag-aangkat nito ay maaapektuhan ang humigit-kumulang sa 600,000 magsasaka ng mais at ang kanilang pamilya.

Ayon pa kay Montenayor ang pagpapalawig ng zero-percent tariff ay hindi naaayon sa panawagan ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na mamili ang National Food Authority (NFA) ng kahit 300,000 metriko toneladang mais sa halagang P13 kada kilo upang matulungan ang mga lokal na nagtatanim ng mais.

Nanawagan din si Montemayor sa House Committee on Ways and Means na agad aksiyunan ang isyung ito dahil matindi aniya ang magiging epekto ng EO 765 sa kabuhayan ng magsasaka at maging sa buong bansa kapag muli itong ipinatupad.

Agad namang itinakda ng Committee on Ways and Means sa pangunguna ni Antique Rep Exequiel Javier ang pagtalakay sa inihaing isyu ni Montemayor.

Ang EO No. 765 ay ipinalabas noong November 7, 2008 at ito ay nagtatakda sa mga nag-aangkat nito ng tariff of zero percent sa milling at feed wheat.

Ayon kay Montemayor, nagkaroon ng EO 765 dahil na rin sa pagkakaroon ng kakulangan sa suplay ng arina para sa paggawa ng tinapay noong nakaraang taon ngunit para maiwasan umano ang mga maling pagdideklara, isinama na ang feed wheat imports sa inalisan ng taripa.

Idinagdag pa ng solon na ang nabanggit na mula nang ipatupad ang EO ay nakapagtala ito ng humigit-kumulang sa P1 bilyong pisong pagkalugi sa pamahalaan.

Ang EO ay nakatakdang mawalan ng bisa sa darating na June 21 ng taong kasalukuyan ngunit may ilang sektor, ayon pa kay Montemayor, ang nagsusulong upang palawigin ang EO 765, kapag nag-adjourn ang Kongreso ngayong linggong ito.

Dagdag pa ni Montemayor, may natatanggap na ulat ang kanyang tanggapan kung saan kapag tuluyang napalawig ang EO 765 ay may humigit-kumulang sa 300,000 metriko toneladang duty-free feed wheat ang nakatakdang pumasok sa bansa sa darating na Hulyo.

Kung totoo ang mga ulat na ito, ayon pa sa kanya, ang mga imported duty-free feed wheat na ito ay magiging sanhi upang lalong malugi ang mga lokal na magsasaka ng mais dahil tuluyan nang babagasak ang presyo ng kanilang sinakang pananim at ang pa pa umano ay nakatakdang dumating ang mga feed wheat na ito sa panahong anihan na ng lokal na mais.