Binatikos ni Marikina City Rep Marcelino Teodoro ang mabagal na aksiyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para pagtatanggalin ang mga malalaswang billboard na nakakabit sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Matapos pumutok sa publiko ang maiskandalong sex video nina cosmetic surgeon Hayden Kho at aktres na si Katrina Halili, kaagad na kumilos ang Operation Baklas Billboard ng DPWH upang aksyunan ang kanilang kampanya laban sa malalaswang billboards.
Ipinahayag ni Teodoro na kung hindi pa nangyari ang Kho-Halili sex video scandal ay hindi kikilos ang DPWH para alisin ang mga sexy designs sa billboards na nakabalandra sa mga lansangan, bagay na dapat nilang seryosong isagawa at hindi pabagu-bagong patakaran at resposibilidad sa publiko.
Sinabi ng mambabatas na dahil ito ang karaniwang problema ng ilang ahensiya ng pamahalan, dapat lamang daw na bigyan ng proteksyon ang mga kabataan mula sa mga malalaswang billboards lalo na ngayong simula na ang pasukan sa mga paaralan.
Ayon sa kanya, dapat huwag nang bigyan ng kahihiyan ang mga kababaihan at huwag din silang gawing paksa ng pagnanasa ng sinuman.
Nang humagupit sa bansa ang bagyong Milenyo noong taong 2006 na naging sanhi sa pagkawasak ng mga naglalakihang billboard lalo na sa kahabaan ng EDSA, ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na tanggalin ang mga iligal na billboards sa kamaynilahan.