Nagbabala ang Dapartment of Health (DOH) sa publiko na dapat mas matakot at iwasang magkasakit ng dengue kaysa sa madapuan ng sakit na A (H1N1) virus.
Sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque na may isang porsiyento lamang ang tsansa na mamatay ang pasiyente ng A (H1N1) virus kumpara sa sakit na dengue na mas nakamamatay at may 57 katao na ang namatay sa Southeast Asian countries dahil sa dengue.
Ngunit kinumpirma ng DOH na umabot na sa 16 ang mayroong influenza A (H1N1) virus sa bansa bukod sa nananatiling nasa alert level 2 ang impeksiyon.
Dahil dito, nanawagan si Iloilo Rep Janette Garin sa taumbayan na manatiling kalmado at mapagtimpi sa gitna ng tumataas na bilang ng A (H1N1) sa bansa at kanyang ipinahayag din ang kanyang pagtitiwala sa kakayahan ng DOH para patuloy na mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Sinabi ni Garin na walang dapat ikabahala ang publiko dahil mayroon tayong sapat na mga gamot na panlunas sa virus na ito kaya't hiniling niya sa taumbayan na sundin ang mga payo ng DOH para sa wastong pangangalaga sa katawan at kalusugan at maging mapagmatyag at iulat sa kinauukulan ang posibleng kaso ng A (H1N1) upang mapigilan ang anumang pagkalat nito.