Nangangamba si Kabataan party-list Rep Raymund Palatino na baka hindi makakaboto ang may tatlong milyong mga kabataan Filipno sa susunod na eleksiyon kapag hindi pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang takdang petsa para sa pagpapatala ng mga botante.
Dahil dito, hiniling ni Palatino sa Comelec sa pamamagitan ng HR01162 na ibalik sa dating takdang petsang na ika-15 ng Disyembre 2009 mula sa kasalukuyang nakatakdang petsa na ika-30 ng Oktubre 2009 ang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante.
Sinabi ni Palatino na mabibigyan ng karapatang makaboto ang mga kabataan kapag pinalawig ng Comelec ang deadline ng voters’ registration ngunit kung hindi, ay parang inalisan na nila ng karapatang makaboto ang mga ito.
Matatandaang nagpahayag ang Comelec na iniurong nila ang takdang petsa ng pagtatala ng mga botante upang magkaroon ng pagkakataong mapaghandaan ang automated elections sa 2010.
Ayon naman kay Palatino, hindi makakasagabal ang automation sa pagpapatala ng mga botante at ang partisipasyon ng mga kabataan sa halalan, sa pamamagitan ng karapatan sa pagboto, ay mahalagang karapatan na dapat kilalanin.