Thursday, June 11, 2009

Industriya sa urban pest control, babantayan

Ipinanukala ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona sa HB06380 na palawigin ang hurisdiksiyon o nasasakupan ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) upang masakop nito ang pangangasiwa sa industriya ng urban pest control.

Sinabi ni Guingonan na ang industriya ng urban pest control na sangkot sa pagnenegosyo ng mga kemikal at substances ay masasabing hindi napangangasiwaan o regulated, lalo na ang hinggil sa kalidad, kaligtasan, at bisa ng pest control products at pest control treatments na ginagamit ng mga operator.

Ayon pa kay Guingona, ang industriya ay dapat lang na mabigyan ng priyoridad sa paggawa ng batas dahil kaugnay ito ng kalusugan at kapakanan ng mga consumer at kailangang tiyakin ang pagsunod sa consumer at environmental standards sa pamamagitan ng pagrepaso sa pangangasiwa o regulation sa mga area na ito.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang regulation o pangangasiwa ay lalong makapagpapatatag sa kredibilidad ng isang industriyang batbat ng fly-by-night operators na walang pagpapahalaga sa pagsunod sa mga istandard o alituntunin.

Ito rin umano ang magbibigay daan upang matiyak ang pagpasok at pakikilahok ng mga bagong players na magdadala ng panibagong teknolohiya at mas mataas na pamantayan o standards para sa kapakinabangan ng mga consumer.