Nagkaisang kumilos ang mga mambabatas sa buong Bicol Region para mapatigil at tuluyang masawata na ang talamak na iligal na pangingisda Kabikulan.
Sinabi ng labing-apat na mambabatas ng naturang rehiyon na hindi lamang talamak ang iligal na pangingisda sa kanilang lugar kundi may mga malawakang operasyon rin dito dahil sa pagkakapasok ng iilang mga barko sa mayamang karagatan ng Bicol, partikular sa Sorsogon, Masbate, Albay at sa lugar ng Pasacao.
Dahil dito, nais ng mga mambabatas na magtatag ng Bicol Region Anti-Illegal Fishing Authority (BRAIFA) sangayon sa HB06421 na siyang mangunguna sa pagtugis ng mga iligal na mangingisda sa karagatan ng Bicol at magpapatupad ng batas tungkol dito.
Sinabi ni Sorsogon Rep Salvador Escudero na ang hakbang na ito ay kaugnay na rin sa pagkakadakip ng limang barko na sangkot sa iligal na pangingisda sa karagatan ng Bicol.
Ayon sa kanya, kargado umano ng mga matataas na uri ng armas ang naturang mga barko na humahadlang sa limitadong kakayanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) para sugpuin ang iligal na pangingisda.
Naniniwala ang mga mababatas na kailangang magkaroon ng epektibong solusyon sa problemang ito dahil hindi lamang apektado ang industriya ng pangisdaan dito kundi pati na rin ang pagkawasak ng marine ecosystem sa rehiyon.