Batay sa isinagawang pag-aaral ng Pulse Asia noong 2006, halos kalahati daw ng humigit-kumulang sa 90 milyong Pilipino ang hindi nakakaalam sa nilalaman ng Saligang Batas at iba pang pangunahing batas ng bansa.
Bunsod nito, naghain si Cavite Rep Elpidio Barzaga ng HB05763 na may layuning isama sa pagtuturo sa lahat ng aantas ng paaralan ang nilalaman ng Konstitusyon at ituro rin sa lahat ng antas ang mga batas na dapat pairalin sa bansa.
Sinabi ni Barzaga na sa isinagawang survey ng Pulse Asia ay nakumpirma ang resulta ng naunang survey noong 2003 kung saan sinasabing 21 porsiyento ng mga Pilipino ay walang alam sa Konstitusyon samantalang 54 porsiyento naman umano ay kakaunti lamang ang nalalaman dito.
Sa ilalim ng panukala ni Barzaga, magiging mandatory ang pagtuturo ng Konstitusyon at ng mga batas ng bansa sa lahat ng antas ng edukasyon, mula elementarya, secondarya at sa kolehiyo, maging ito man ay pribado o pampublikong paaralan.
Nararapat lamang umanong matutunan ng ating mga kabataan ang Konstitusyon ng Pilipinas at ang mga batas na umiiral sa ating bansa dahil sila ang mga magiging lider sa hinaharap.
Ayon pa sa mambabatas dapat lamang na mahalin at isaisip ng bawat Pilipino ang Konstitusyon at mga batas ng Pilipinas dahil ang lahat ng nakapaloob sa mga ito ay nakakaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng bawat mamamayan.