Sinabi ni Teves na ang pagkakadeklara ng arnis bilang pambansang laro ay magbibigay ng malaking karangalan para sa mga atletang Filipino dahil kilala ang arnis bilang pambasang laro sa maraming rehiyon gayundin sa mga pambansang kompetisyon.
Tinuran ni Teves ang nasusulat sa kasaysayan na pinaniniwalaang bihasa sa arnis umano si Lapu-lapu, ang matapang na mandirigma na nagtanggol sa isla ng Mactan laban sa pananakop ni Ferdinand Magellan noong Abril 27, 1521 at tinuruan umano ni Lapu-lapu ng arnis ang kanyang mga tauhan para labanan ang hukbo ni Magellan at ito rin ang pangunahing pangtanggol sa sarili simula pa noong panahon ng mga Kastila.
Ayon sa kanya, tulad umano ng Judo, Karate at Taekwondo na sumikat sa Pilipinas at sa ibang bansa, ang modernong arnis ay natatanging laro sa larangan ng martial arts at isa umanong malaking karangalan na magkaroon ng pambansang laro para sa mga atletang Filipino na kakaiba sa mga kalabang koponan sa International Sports Competitions.
Mayroon umano tayong pambansang awit, watawat, prutas at iba pang simbolo na nagbibigay ng natatanging pagkilala mula sa ibat’ ibang bansa at bilang isang mamahaling hiyas at pambansang kultura na nagmula sa Pilipinas, ang arnis ay isang larong katutubo at bukod-tangi para sa Filipino.
Itatatak ang simbolo ng arnis sa official seal ng Philippine Sports Commission (PSC) kapag naisabatas ang panukala bilang hudyat na ang arnis ay ang pambansang laro.