Wednesday, June 17, 2009

1.2 bilyong piso, ilalaan para sa UP Mindanao

Inaprubahan na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas ang paglalaan ng P1.2 bilyong piso para sa pagpapaunlad ng University of the Philippines (UP) sa Mindanao.

Ang paglalaan ng naturang halaga ay base na rin sa isinumite nina House Speaker Prospero Nograles at Deputy Speaker Simeon Datumanong na panukala, ang HB05946 na naglalayong palawigin pa ang pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa UP upang maipatupad ang medium-term development plan para sa taong 2009 hanggang 2012 na nakatuon sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Sinabi ni Nograles na nararapat lamang na bigyang suporta ng pamahalaan ang UP Mindanao lalo na sa aspetong inprastraktura upang makatugon ang nasabing paaralan sa kanilang mandato.

Aniya, para makasabay ang UP Mindanao sa pag-unlad ng buong Kamindanawan, nararapat lamang na bigyang suporta ang UP sa pinansiyal na aspeto nito maliban pa sa regular na suportang kanilang natatanggap bilang Internal Operating Budget ng UP na nakapaloob na sa taunang pondo ng bansa.

Sa ilalim ng panukala, pupundohan ang iba't-ibang proyekto ng institusyon para sa nabanggit na mga taon upang maipatutupad ang pagpapatayo ng mga gusali para corporate management, dormitoryo para sa mga mag-aaral nito, pagsasaayos ng buong unibersidad kabilang na ang pagpapaganda ng buong kapaligiran nito at ng University avenue, Mindanao loop at Oblation Plaza at pagpapatayo ng UP Mindanao main library.

Ang halagang kakailanganin ng UP Mindanao para maipatupad ang lahat ng ito ay isasama sa national budget ng kasalukuyang taon at sa mga susunod pang General Appropriations Act na aaprubahan para sa mga susunod pang taon.