Nabahala si Zamboanga-Sibugay Rep Belma Cabilao sa kakulangan ng malawakang plano para sa kalinisan na maaaring magdulot ng problema sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng pinangangambahang AH1N1 virus.
Nanawagan si Cabilao, Chairperson of the House Committee on Ecology, sa Kagawaran ng Kalusugan na kagyat na magpatibay ng mga panukala na tutugon sa problema.
Sinabi ni Cabilao, dapat umanong maglaan ng pondo ang Kongreso sa pagpapagawa ng mga pampublikong palikuran sa buong bansa, bilang isa sa matagalang programa ng pamahalaan na tutugon sa kalinisan. Napakahalaga ng usaping ito dahil malamang isa ito sa sasagip sa atin sa anumang karamdaman.
Hinihimok din ng mambabatas ang mga kapwa mambabatas na maglaan ng pondo para sa ganitong proyekto sa kanilang mga distrito, imbes na gumugol ng milyon-milyong halaga sa pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng cholera, pulmonya, dengue at iba pang sakit.
Ang panukala ni Cabilao ay nag-ugat sa HR00566 na inihain ni Nueva Ecija Rep Joseph Violago na duminig sa usapin sa problema ng sewerage system sa Boracay kung saan ay ipinanukala ang mga istratehiya at plano upang mapangalagaan ang pulo mula sa mga negatibong epekto ng pag-unlad.
Hindi akalain ni Nueva Ecija Rep Eduardo Nonato Joson na hindi inaksyunan ng DOH ang problema sa sewerage system ng Boracay sa kasagsagan ng pagdinig sa Kamara sapagka’t ang usapin ay dapat na tinugunan mismo ng mga lokal na opisyales ng pamahalaan.
Ikinatuwiran ng mga kinatawan ng DOH na dumalo sa pagdinig na ang lokal na pamahalaan ang nagpapatupad ng pambansang pamantayan hinggil sa sistema ng sanitasyon.