Makatatanggap na ng kabayaran mula sa pamahalaan ang mga opisyal ng barangay na magreretiro sa kanilang tungkulin kapag naisabatas ang HB05906 na isinusulong ni Quezon Rep Danilo Suarez.
Ang panukala ni Suarez ay nag-uutos sa bawat barangay sa bansa na maglaan ng bahagi ng kanilang taunang pondo na hindi bababa sa limang porsiyento ng taunang internal revenue allotment para sa pagreretiro ng mga opisyal ng barangay na kinabibilangan ng mga barangay tanod maging sila ay halal o hinirang, mga health worker, daycare workers at mga myembro ng lupong tagapamayapa.
Ayon kay Suarez, sa kasalukuyan, ang mga hinirang na opisyal ng barangay tulad ng kalihim, ingat-yaman, mga miyembro ng lupong tagapamayapa at mga barangay tanod ay hindi nakatatanggap ng mga benepisyo tulad ng tinatanggap ng mga kapitan ng barangay at mga kagawad na halal ng kanilang nasasakupan at bilang pagtanaw sa kanilang tapat na paglilingkod at kasipagan ay dapat lamang na sila ay gawaran ng gantimpala sa panahon ng kanilang pagreretiro.
Sinabi ng mambabatas na dapat lamang na tanawin ang lawak ng responsibilidad ng mga opisyal ng barangay dahil sila ang nangunguna sa paglilingkod sa kanilang mga kabarangay para sa isang mapayapa at maunlad na pamayanan at marami sa kanila ang halos nagsilbi sa barangay sa kanilang buong buhay kahit napakaliit ng sweldo, subali’t wala silang natatanggap na benepisyo sa panahon ng kanilang pagreretiro.