Tuesday, May 19, 2009

Pinagsusumite ng ulat ang NEDA sa Kamara hinggil sa ODA

Pinagsusumite ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez ang National Economic
Development Authority (NEDA) ng ulat sa Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa mga programa sa pamumuhunan at pondo sa official development assistance (ODA) na nagmumula sa pamahalaan at mga ahensya ng iba’t ibang bansa.

Ayon kay Rodriguez, dapat pairalin ng Kamara ang oversight functions nitom upang mabantayan at mabusisi ang paghahanap at pamamahala ng mga inutang ng pamahalaan sa iba't ibang bansa at sumunod sa mga patakarang ipinaiiral sa ilalim ng probisyon sa pangungutang.

Sa kanyang HR01089, sinabi ng mambabatas na sa ilalim ng section 21 article 12 ng Saligang Batas, lahat ng mga inutang sa mga dayuhang bansa ay kailangang sumunod sa mga batas at patakarang ipinaiiral ng Kagawaran ng Pananalapi at lahat ng impormasyon hinggil dito ay dapat na ilahad ng pamahalaan sa mamamayan.

Ang NEDA ang ahensya umano na siyang pangunahing responsable sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan para sa kaunlaran ng pamayanan at ekonomiya.

Upang maipatupad ang mga programa ay nangungutang ang pamahalaan sa mga dayuhang bansa para pondohan ang mga proyektong ito.

Ang utang panlabas ng bansa at mga ayudang pinansyal ang nagdadala ng kaunlaran sa ating mamamayan, lalo na sa mga mahihirap na pamayanan sa mga kanayunan.