Nakatakda nang talakayin sa plenaryo sa susunod ng linggo ang panukalang batas na magtatatag ng Land Administration Auhtority (LAA) na may layuning maresolbahan ang problema sa pamamahagi ng titulo ng lupa sa bansa, matapos itong aprubahan ng House committee on government reorganization.
Sinabi ni Zamboanga City Rep. Erico Basilio Fabian na sa kasalukuyan, watak-watak umano ang administratibong tungkulin ng LAA sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Fabian, hawak ng Land Registration Authority (LRA) at Registries of Deeds ng Department of Justice, Land Management Bureau Land Management Service sa regional at provincial community offices, National Mapping and Resource Information Authority at CARP secretariat at tanggapan sa iba’ibang lugar ang siyang nangangasiwa sa pamamahagi at pagti-titulo ng lupa.
Sinnabi naman ni Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo, isa sa mga may-akda ng panukala, na dapat talakayin at aprubahan ito upang mapaayos na ang makatuwiran at wastong panuntunan sa mga pagtala, pagtititulo, dokumentasyon at panuntunan sa impormasyon sa lantad, kompleto at mapagkakatiwalaang pamamaraan.