Monday, May 18, 2009

Pag-amiyenda sa Coops Code, ipinanukala

Isinusulong ngayon sa Kamara ang pag-amiyenda sa 1990 Cooperative Code para lalong tumatag ang sektor ng kooperatiba sa buong bansa.

Sinabi nin Coop-Natco party-list Rep Jose Ping-ay na dapat lamang na maamiyendahan na ang naturang karta upang mareorganisa na ang Cooperative Development Authority (CDA) na itinatag sa ilalim ng Republic Act 6939, sa pamamagitan ng pagpasa ng HB05900 na kanyang inihain.

Ayon kay Ping-ay, layunin ng kanyang panukala na isulong ang pagpapatatag ng mga kooperatiba bilang isang pangunahing bahagi ng pambansang plano para sa kaunlaran.

Sa loob ng dalawang dekada ng pagpapatupad ng Cooperative Code, ayon sa kanya, marami na ang ipinagbago at inilago ng mga kooperatiba kung kaya't isinulong nila na mas lalo pa itong patatagin upang maging karapatdapat sa pandaigdigang ekonomiya at makapaghatid ng kalidad na serbisyo sa mga kasapi nito.

Ang RA 6938 o Cooperative Code of the Philippines ay itinatag noong ika-8 Kongreso pa at ito ay naglalayong isulong ang pagtatatag ng mga kooperatiba bilang tugon sa mga mamamayan upang maging masinop sila para makamit ang pansariling kaunlaran at pagtatatag ng sarili nilang kabuhayan.

Ang CDA ay itinatag upang magsilbing tagapamahala ng mga patakarang ipinaiiral sa ilalim ng kanilang mandato.