Wednesday, May 20, 2009

Mga dokumento sa pagsasabatas, madali nang makamtan


Ang pakikilahok ng mga mamamayan sa pagbalangkas ng mga panukalang batas ay isang mahalagang bahagi ng lehislasyon upang matiyak na ang mga ito ay naglalaman ng tunay na saloobin at hangarin ng taumbayan, kaya’t nararapat lamang na maging hayagan ang nilalaman nito sa sambayanan.

Ito ang naging pahayag ni ARC party-list Rep Narciso Santiago III sa kanyang paghahain ng HB06125 na naglalayong magtatag ng isang sistema na magpapabilis sa pamamahagi ng impormasyon hinggil sa lehislasyon.

Sinabi ni Santiago na karapatan ng mga mamamayan na malaman ang mga nilalaman ng mga usapin at panukalang batas na direktang nakakaapekto sa kanilang kabuhayan at isa na umano rito ang pagmamantine ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ng mga website na maaaring gamitin upang makakuha ng sipi ng mga mahahalagang dokumento hinggil sa iba’t ibang usapin at panukala.

Idinagdag pa ng solon na dapat lamang umano na gamitin ang teknolohiyang ito para sa mabilis na pamamahagi ng impormasyon at upang agad ding maipaabot sa kinauukulan ang mga saloobin at opinyon ng taumbayan sa mahahalagang usapin sa takdang oras.

Iminungkahi ni Santiago na walang ulat mula sa komite ang dapat na ipalabas kapag hindi ito naisumite o nabigyan ng sipi ang lahat ng mambabatas, gayun din ang taumbayan sa pamamagitan ng Internet sa loob ng 24 na oras bago ito bigyan ng halaga.