Wednesday, May 13, 2009

Mas mabigat pang parusa sa pandarambong, iminungkahi

Marapat lamang na repasuhin ang kasalukuyang batas hinggil sa pandarambong o iligal na paggamit ng pampublikong pondo at marapat ding taasan pa ang parusang ipinapataw dito upang makatugon sa kasalukuyang halaga ng salapi ng bansa na may katumbas na pantay at makatarungang batas.

Ito ang iminungkani ni Camiguin Rep Pedro Romualdo sa kanyang inihaing HB05829 ng kanyang sinabi na napapanahon ito dahil ang halaga ng piso sa dolyar mula ng ipinatupad ang batas hinggil dito ay P6 hanggang P10 kada dolyar pa ang palitan at sa kasalukuyan ay P48 na sa $1 ang palitan.

Sa kasalukuyang probisyon, ayon pa kay Romualdo, sa napakaliit na halaga ng dinambong ay napakalaki ng ipinapataw na parusa kagaya ng kaso na aabot sa kulang-kulang P12,000 halaga ang dinambong, ang kaakibat na kaparusahan dito ay mula reclusion temporal sa minimum, hanggang prision correccional sa maximum kaya panahon na umano para repasuhin ang mga probisyon ng Revised Penal Code hinggil sa pandarambong na ipinatutupad sa ating bansa sa loob ng 55 taon.

Sa ilalim ng panukala ni Romualdo, ang parusang arresto mayor o pagkabilanggo ng 2 buwan hanggang at 1 araw hanggang 4 na buwan ay ipinapataw kung ang halagang pinag-uusapan ay kulang sa P10,000, at mula 4 na buwan at 1 araw hanggang 6 na buwan kapag ang halagang dinambong ay mahigit na P10,000.00 hanggang P20,000. Prision correccional naman ang ipapataw (6 na buwan at 1 araw hanggang 2 taon at 4 na buwan) naman kapag mahigit sa P20,000 hanggang P30,000.00.

Kapag naisabatas ang panukala, ang pagkabigo na magsumite ng ulat ay may kaakibat na kaparusahang multa na nagkakahalaga ng P20,000 imbes na P200 hanggang P6,000. Itataas din ang multa mula 5% hanggang 50% ng halaga na dinambong ng isang opisyal ng pamahalaan, na mapapatunayang iligal na gumamit ng pampublikong pondo o ari-arian, na hindi naman magdudulot ng kasiraan o kahihiyan sa paglilingkod nito sa publiko.

Sa ilalim ng Revised Penal Code, ang pandarambong ay isang kasalanang isinagawa ng isang opisyal ng pamahalaan na responsable sa mga pondo o ari-arian ng bayan na naglalaan, iligal na naglalaan, o di kaya ay may kapabayaan sa pamamahagi ng pondo o ari-arian para sa ibang tao. Ang pagkabigo ng isang opisyal na maglabas na pondong pinanghahawakan nito ay isang malinaw na katibayan na ginamit nito ang pondo para sa
pansariling kapakanan.