Upang lalong matiyak na ligtas at hindi lalampas sa antas na 70 PPM (Part Per Million) ang carbon monoxide sa mga behikulo, iminungkahi ni ARC party-list Rep Narciso Santiago na lahat ng pampublikong sasakyan at ang exhaust system nito ay dadaan sa masusing inspeksiyon.
Sinabi ni Santiago na nararapat lamang na protektahan at turuan ang taumbayan sa masamang epekto ng nakalalasong carbon monoxide.
Ayon sa kanya, tinawag na silent killer ang carbon monoxide dahil walang amoy, kulay, lasa at on-irritating ito at hindi napapansin ng mga biktima ang masamang panganib sa kapaligiran kaya't kanya umanong inihain ang HB06066 na naglalayong amiyendahan ang Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB).
Sa kanyang pakikipag-usap sa Department of Health, sinabi ni Santiago na kailangang mamahagi ng mga polyetos na ikakabit sa lisensiya ng mga operator na may babala sa nakakalasong carbon monoxide at mga suhestiyon para sa wastong gagawin upang mapigilan na magkaroon ng aksidenteng pagkalason ang publiko.
Ang carbon monoxide ay isang uri ng toxic gas at lasong nakamamatay sa maraming bansa, ayon kay Santiago.
Idinagdag pa ng mambabatas na ang paglanghap ng tao nito ang siyang umaatake sa central nervous system at sa puso kaya't kailangang makalanghap ng sariwang hangin o artificial respiration at oxygen ang biktima.