Nagpahayag ng pagkabahala si Camarines Norte Rep Liwayway Vinzons-Chato sa napabalitang bilyun-bilyong pisong halaga ang nautang ng iba’t ibang Local Government Units (LGUs) sa buong bansa upang pondohan ang kanilang operasyon.
Dahil dito, inihain ni Vinzons-Chato ang HB06009 o IRA Securitization Prohibition Act upang amiyendahan ang Local Government Code na magbabawal sa mga LGUs ang pagsasangla ng kanilang mga Internal Revenue Allotment (IRA) bilang katibayan na mababayaran nila ang kanilang mga pagkakautang.
Ayon sa kanya, umabot sa P35 bilyon ang pagkakautang ng mga LGUs sa noong 2002, sa Landbank pa lamang ngunit marami sa pagkakautang na ito na ginamitan ng kanilang IRA bilang prenda ay hindi mabayaran dahil sa hindi nakolekta o walang kinitang buwis.
Kapag pinayagan umanong magpatuloy ang ganitong gawain ay manganganib na mabaon sa pagkakautang ang mga lokal na pamahalaan na mamanahin ng mga susunod na liderato at wala nang pakikinabangang IRA pa ang mga ito dahil ipambayad na lamang ito sa pagkakautang ng sinundang pamahalaan.
Naniniwala si Vinzons-Chato na ang kanyang panukala sa pag-aamiyenda sa LGC ay seseguro sa katatagan ng mga LGUs at ang IRA ay hindi handog mula sa pamahalaang nasyonal kundi karapatang iniatang sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng Saligang Batas.