Wednesday, April 29, 2009

Panawagan ni Guingona sa mga OFW: magparehistro para sa 2010 elections


Hinikayat ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona III ang mga OFW na magparehistro para sa halalang 2010.

Sinabi ni Guingona na bilang mga bagong bayani ng Pilipinas, dapat mabatid ng mga OFW na ang karapatang bumuto ay isang makapangyarihang instrumento na maaaring magdulot ng magandang pagbabago sa kanilang bayan.

Nauna nang iniulat ni Foreign Affairs Undersecretary for Special Concerns Rafael Seguis na hanggang noong Abril 21, ang bilang ng mga bagong Overseas Absentee Voters ay 52,557.

Ayon kay Guingona, maliit na porsiyento lamang ito kung ihahambing sa target na isang milyong rehistradong OFW.

Ayon naman sa Bantay Eleksyon 2010, isang koalisyon ng mga electoral stakeholders na itinatag ng Consortium on Electoral Reforms, napakahalaga ang halalang 2010 maghahalal ng bagong pangulo pagkaraan ng 2004 presidential elections.

Bago rin ayon pa sa kanya na ang mga nakaupo sa Commission on Elections na mangangasiwa sa halalan sa ilalim ng panukalang automated election system na ngayon pa lamang masusubukan sa buong bansa.

Idinagdag pa ni Guingona na ang mga nasa ibang bansa ay dapat makilahok sa proseso ng halalan at ang pagpaparehistro ang una at pangunahing hakbang sa demokratikong prosesong ito.