Ipinasa na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kongreso ang HB06000 na iniakda ni Nueva Ecija Rep Rodolfo Antonino na may layuning palawigin ng limang taon ang palugit upang makumpleto ang kwalipikasyon sa ilalim ng Civil Service Law ng mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Sinabi ni Antonino na bagama’t kailangang itaas ang kalidad ng paglilingkod ng mga namamahala ng tanggapan ng pamatay-sunog at bilangguan, malaking problema umano ang kakaharapin ng pamahalaan kapag tinanggal sa tungkulin ang mga kasalukuyang tauhan dahil lamang sa kakulangan sa kwalipikasyon sa edukasyon.
Ayon sa kanya, ang mga kawaning ito ay dumaan sa matinding pagsasanay kaya’t may sapat silang kakayahan, kasanayan at karanasan sa kanilang ginagampanang tungkulin.
Sa kasalukuayng batas, itinakda ang minimum educational at civil service eligibility qualifications sa bawat unipormadong tauhan ng BFP at BJMP, mula ikalawang taon sa kolehiyo hanggang makatapos ito ng apat na taong kurso, at unang antas hanggang ikalawang antas, o ikatlong antas ng civil service eligibility, ayon sa pagkakasunod.
Ang patakarang ito ay hindi dapat na maging sagabal sa paglilingkod, kaya’t hinihiling sa panukala na palawigin ng hanggang limang taon pa ang kinakailangang kwalipikasyon para sa kanila, dagdag ng mambabatas.
Sinabi ni Antonino na karamihan sa mga apektadong tauhan ay nahihirapang sumunod sa patakarang itinatakda para sa kanilang kwalipikasyon, dahil marami sa kanila ay tumatanda na at kulang ang kanilang oras sa pagganap ng kanilang tungkulin kung gugulin pa nila sa pag-aaral sa kolehiyo, bukod pa sa pagiging abala sa pagganap ng kanilang tungkulin bilang mga ama ng tahanan na nakatutok din sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Nangangailangan ng malaking halaga ang pamahalaan sa pagbabayad ng benepisyo sa pagreretiro ang mga tatanggaling kawani, gayung hindi mabayaran ang mga regular na nagreretiro, bukod pa sa malaking gastos sa pagsasanay ng libo-libong bagong kawani, giit pa ni Antonino.