Pagpapataw ng dalawampiso at limampung sentimong excise tax sa lahat ng plastic bag lamang ang tanging solusyon upang mahadlangan ang mga mamimili sa supermarket, grocery, service stations at sales outlet mula sa paggamit ng di-natutunaw na mga bagay.
Sa panukalang batas ni Albay Rep Al Francis Bichara, ang HB04234, sisikapin nitong hadlangan ang mga mamimili na gumamit ng mga di-natutunaw na mga bagay upang maprotektahan ang kalikasan at labanan ang epekto ng global warming.
Sinabi ni Bichara sa kanyang panukala na sa gawang petrochemical na isang non-renewable resource, ang plastic bag ay non-biodegradable material na aabutin ng 15 hanggang 1,000 taon bago ito natutunaw.
Subalit taliwas ito sa pananaw ng industriya ng plastic batay sa naging pahayag ni Alfonso Siy, tagapangulo ng Philippine Plastic Industry Association, Inc, ng kanyang sinabi na ang wastong pagtatapon ng plastic ang malaking suliranin at ang tanging paraan lamang ay ang tamang disiplina diumano.
Idinagdag pa sa pahayag na tiyak umanong mababawasan ang volume ng produksiyon ng plastic na magiging sanhi ng kawalan ng trabaho ng may 350,000 na namamasukan sa industriya kapag nagpataw umano ng buwis sa plastic.
Ngunit hindi sakop ng panukala na patawan ng excise tax ang mga mamimili na may sariling dalang plastic bag kapag bumili siya ng paninda sa grocery at supermarket, sabi ni Bichara.