Hindi na dapat hintayin pa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na magsampa ng kasong kriminal bago sunugin ang mga nakumpiskang ebidensiya.
Ito ang tinuran ni Negros Occidental Rep Jose Carlos Lacson ng kanyang sinabi sa panukalang batas na kanyang inihain, ang HB05984, na posibleng bumalik muli sa mga lansangan ang mga nakumpiskang droga dahil lamang sa kapabayaan ng kinauukulan.
Ayon kay Lacson, kung hindi man ito maalis ay dapat mahadlangan ang muling pagkalat sa mga lansangan ng mga ipinagbabawal na droga na kagagawan ng ilang tiwaling miyembro ng ating law enforcement agency.
Binanggit ni Lacson ang nakaraaang pagsalakay at pagsamsam ng PDEA ng malaking halaga ng shabu sa Quezon City, Manila at Cainta, Rizal.
Nagdududa pa rin ang taumbayan na posibleng pagbalik ng nakumpiskang droga sa mga lansangan, wika pa ni Lacson.
Ayon pa sa kanya, kailangan umanong bumalangkas ng isang matibay na panuntunan hinggil sa droga upang mapanatili ang kaayusan sa batas at itaguyod ang kapayapaan sa lipunan at wasakin ang panganib na idudulot ng droga.
Sa ilalim ng panukala, kailangang sunugin o wasakin kaagad ang lahat ng nakumpiskang droga, laboratoryo, kemikal at lahat ng kasangkapan nito pero magtitira lamang ng sapat o kaunting ebidebsiya para magamit habang dinidinig ang kaso.