Ikinalungkot at ikinagalit ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona III ang ulat na mahigit labindalawang libong sundalo at pulis ang nabiktima ng Legacy Group of Companies.
Sinabi ni Guingona na nagtiyagang mag-ipon ang mga sundalo at pulis para lamang tiyakin na may magandang kinabukasan ang kanilang mga anak at ipinagkatiwala nila ang kanilang pinaghirapang pera sa Legacy para sa edukasyon ng kanilang mga anak, tapos ito ang kanilang mapapala.
Ayon sa kanya, nakakadismaya talaga na ang kanilang mga panaginip ay basta na lamang sinira ng iresponsableng pamamahala at panloloko ng Legacy Group kung kaya't hindi dapat hinahayaan ng gobyerno na magkaroon ng isang sistemang sumisira sa layunin ng mga tao na mag-impok at paghandaan ang kanilang kinabukasan.
Batay sa datos ng Armed Forces-Police Saving and Loan Association Inc (AFPSLAI), 12,047 na sundalo at pulis ang nagbayad ng buwanang premium para sa mga policy ng Scholarship Plan Philippines Inc (SPPI) na mula sa Legacy group.
Idinagdag pa ni Guingona na ipinagtatanggol ng mga sundalo at pulis ang mga mamamayan laban sa kapahamakan kaya dapat lang na ipagtanggol din ng mga mambabatas ang mga pangarap nila na bigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak.