Wednesday, April 22, 2009

Mga sangkap na sustansya ng mga pagkain sa mga restoran, dapat i-display

Ipinalalagay ni ARC party-list Rep Narciso Santiago III ang impormasyon hinggil sa sangkap na sustansya o calorie count sa mga pagkaing inihahain sa mga restoran at iba pang establisimento na may kinalaman sa negosyo ng pagkain.

Sa HB05806, lahat ng negosyong may kinalaman sa pagkain ay dapat na maglagay ng impormasyon hinggil sa nilalamang bilang ng calorie sa bawat pagkaing inihahain nila.

Sinabi ni Santiago na tungkulin ng pamahalaan na mapangalagaan ang pangkalahatang kalusugan ng bawat mamamayan kung kaya't dapat lamang na malaman ng mga parokyano ng mga kainang ito kung ano ang mga sangkap ng pagkaing inihahain sa kanila lalo na ang calorie count nito.

Ayon sa mambabatas, mula pa noong 1994, nalalaman lamang ng mamamayan ang nutrisyong posible nilang makuha sa food labels o mga etiketa ng mga packaged foods, na nabibili sa mga tindahan ngunit walang paraan ang mga mamimiling mahilig kumain sa mga restoran na malaman ang mahahalagang impormasyon tulad ng nakikita sa food labels ng mga canned goods, dahil hindi nakasaad sa mga menu ng restoran ang impormasyon tulad ng bilang ng calories, na nakokonsumo ng mga kumakain.

Masusing babantayan ang mga restoran at mga katulad na establisimento kung ang mga ito ay susunod sa mga probisyong nabanggit sa panukala.