Nanawagan kahapon si Negros Occidental Rep Alfredo Marañon III sa pamahalaan na ideklara ang mayamang karagatan ng bansa bilang protected zone para mapangalagaan ang pinagkukunan ng yamang-dagat mula sa mga lokal at dayuhang interes na nagkukunwaring papaunlarin umano ang karagatan upang mapagkunan ng pagkain at gamot.
Sa HR01041 na kanyang inihain, nais niya na magsagawa ang gobyerno ng isang masusing pag-aaral upang matukoy ang lahat ng lugar sa karagatan na sakop ng Pilipinas at ang pangangailangan na ito ay mapaunlad, mapangalagaan at maisulong bilang pandaigdigang destinasyon sa larangan ng turismo.
Ang pagkakahain ni Marañon ng resolusyon ay bunsod na rin sa mga ulat na ilang internasyunal na organisasyon ang nagbabalak na gawing pagkukunan ng pagkain at gamot ang ilang bahagi ng karagatang sakop ng bansa at maglagak ng puhunan para sa kanilang negosyo.
Ayon sa kanya, ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ay dapat na magsagawa ng pag-aaral upang magamit ang bahaging ito ng karagatan para sa kabuhayan ng sambayang Pilipino.
Aniya, dapat na umanong magkaroon ng isang pambansang polisiya ang pamahalaan hinggil sa paggamit, pagpapaunlad at pamumuhunan sa ating mga karagatan para sa kapakinabangan ng ating mga mamamayan, at hihimukin natin ang pribadong sektor na makilahok sa pagpapaunlad na ito ngunit dapat din umanong magpatupad ng mga programa na tututok sa industriya ng turismo at iba pang kalakalan upang maging sagana ang daloy ng mga dayuhang salapi, gayundin ang pagsusulong ng lokal na turismo.