Dahil sa nakababahalang pagdami ng naitatalang sunog sa mga nakalipas na buwan, pinasisiyasat ni Nueva Ecija Rep Eduardo Nonato Joson ang kahandaan ng mga ahensya ng pamatay-sunog, gayundin ang mga lokal na pamahalaan.
Pinagbatayan ni Joson ang datus na nagsasabing 39 na por syento ng naitalang sunog sa 16 na rehiyon sa bansa ay naganap sa Kalakhang Maynila noong nakaraang 2008, na ikinasawi ng 12 katao at nakasugat sa 12 pa.
Idinagdag pa daw ng talaaan na sa 315 insidente ng sunog noong 2008, 170 ang naganap sa mga lungsod at munisipalidad sa Kalakhang Maynila sa loob lamang ng isang buwan, mula ika-1 ng Disyembre hanggang ika-30
Umaabot daw sa P179,653,000 halaga ng mga ari-arian ang naabo sa buong bansa dahil sa sunog.
Sinabi ni Joson na dapat sundin ng mga fire protection agencies at ng mga lokal na pamahalaan ang umiiral na probisyon ng Republic Act No. 9514, o ang Fire Code of the Philippines of 2008 kaya dapat umanong suriin ang kanilang kahandaan upang ganap na mabawasan ang sunog at biktima nito na karamihan ay mga kabataan.
Dahil dito, inihain ni Joson ang HR01034 na naglalayong tiyakin ang kaligtasan ng publiko, maisulong ang kaunlaran sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpigil sa lahat ng uri ng mapanirang sunog at maisulong din ang propesyunalismo sa naturang tungkulin.
Dapat daw na magpatupad ang pamahalaan ng mga batas at patakaran na susunod sa pamantayan ng pag-iwas sa sunog at ligtas na pamamaraan, gayundin ang kaakibat na responsibilidad sa tungkulin.
Isinusulong din ng mambabatas ang paggamit ng pondo ng Fire Protection Modernization Trust Fund para sa programa ng modernisasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), batay na rin isinasaad sa RA 9514.