Monday, April 20, 2009

Imbakan ng ani at kiskisan ng palay, ipamamahagi sa mga magsasaka

Nanawagan si ARC Rep Narciso Santiago III sa pamahalaan na patatagin ang kalagayan ng mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga pasilidad para sa kanilang mga ani, tulad ng gusali na magsisilbing bodega at kiskisan ng palay upang mapalago ang kanilang mga kita.

Dahil dito, inihain ni Santiago ang HB05698 o ang Post-Harvest Facilities Support Act upang isulong ang kaunlaran sa kanayunan upang maiangat ang kalagayan ng mga magsasaka at patatagin ang mga kasapian, sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga gusali na maaari nilang gamiting imbakan ng kanilang mga ani sa bawat bayan at lungsod sa buong bansa.

Sinabi ni Santiago na ang pinatatag na sektor ng agrikultura ay makakaapekto sa katatagan ng iba pang pangunahing produkto sa merkado, kasama na rito ang iba’t ibang produkto mula sa bukid at lalawig ito sa iba pang industriya na mangangahulugan ng pag-unlad ng ating ekonomiya.

Iginiit pa ni Santiago na ang mga pasilidad na ito ay ipagbibili sa mga akreditadong kooperatiba at bibigyan ng 25 taong palugit upang bayaran ang mga ito.

Idinagdag pa niya na ang panukalang ito ang titiyak sa malaking kita ng ating mga magsasaka.