Wednesday, April 29, 2009

Eleksyon sa ARMM nais isabay sa pambansang halalan


Ipinanukala ni Lanao del Sur Rep Faysah RPM Dumarpa sa HB04885 na isabay na lamang ang halalan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao o ARMM sa pambansang eleksiyon tuwing ikalawang lunes ng Mayo simula sa taong 2010 at gaganapin kada ikatlong taon.

Sa ilalim ng panukala, ang pagbabago ng petsa ng halalan sa ARMM na ginaganap tuwing ikalawang lunes ng Agosto ay makakatulong maisulong ang usaping pangkapayapaan sa rehiyon.

Sinabi ni Dumarpa na dapat isabay na ang eleksyon ng ARMM sa lokal at pambansang halalan at ang mga kasalukuyang nakaupo bilang regional governor, regional vice governor at mga miyembro ng Regional Legislative Assembly ng ARMM ay magpapatuloy sa kanilang panunungkulan sa bisa ng hold-over capacity hanggang sa maihalal at maging lehitimong opisyal ang mga maibobotong kapalit nila.

Ayon kay Dumarpa babaguhin na rin ang pagtatapos ng termino ng mga halal na opisyal ng ARMM na kung dati ang termino ng mga halal na opisyal ay nagtatapos ng ika-30 araw ng Setyembre 2005, sa ilalim ng naturang panukala ay magtatapos ang kanilang mga termino sa ika-30 araw ng Hunyo sa 2013.