Tuesday, March 10, 2009

Timbangang bakal, ipamamahagi sa bawat barangay

Mamamahagi ng tigsasampung pirasong timbangang bakal ang Department of Trade and Industry o DTI sa bawat barangay upang magamit ng mga residente sa mga binili nilang produkto kung sapat ba o tama sa timbang ang mga ito.

Ipinahayag ni Compostela Valley Rep Manuel “Way Kurat” Zamora, may-akda ang HB00248 na aprubado na ng naturang komite, inihain niya ang panukala upang mapangalagaan ang mga mamamayan sa mga mandurugas na negosyante at mga mangangalakal na bumubiktima sa mga inosenteng mamamayan sa pamamagitan ng pandadaya ng kanilang timbangan.

Sinabi ni Zamora na ang libre ang paggamit ng timbangan para sa mga nagnanais na gumamit nito para malaman kung wasto sa timbang ang kanilang pinamili at makasisigurong hindi sila nadadaya ng kanilang binibili at ang mga timbangang may kakayagang magtimbang ng isang kilo bawat isa ay ipamamahagi sa bawat barangay at ipagkakatiwala sa mga kapitan ng barangay.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang kabuuang halaga ng programa ay P460 milyon para sa lahat ng barangay sa buong bansa.

Mahigpit niyang ipinaglalaban ang panukala dahil ito lamang aniya ang tanging solusyon laban sa mga pandaraya sa timbangan sa mga pamilihang bayan at mapapangalagaan din aniya ang mga magsasakasa na kadalasan ay napapagsamantalahan ng mga negosyante dahil sa may mga dayang timbangan at higit sa lahat ay makatitipid pa umano ang gobyerno sa pagmimintina ng mga inspektor na regular na nagsisiyasat ng mga timbangan sa mga pamilihang bayan.