Tuesday, March 24, 2009

Suporta sa agham at teknolohiya, ipinanawagan

Nanawagan si Bukidnon Rep Teofisto Guingona III sa kanyang mga kasamahang mambabatas na suportahan ang pambansang edukasyon hinggil sa agham at teknolohiya, S & T o science and technology education.

Sinabi ni Guingona na ang pinakamagagaling at pinakamatatalinong mga Pilipino ay umaalis ng bansa upang magpakadalubhasa sa ibayung dagat dahil wala namang mga pasilidad sa ating bansa.

Nauna nang sinabi ni Aurelio Montinola III, pangulo ng BPI Foundation, na ang mga pangunahing unibersidad at research facilities sa Estados Unidos ay puno ng mga matatalino at kabataang Pilipino na nahikayat na pumunta roon dahil sa generous funding at mas magandang pasilidad at kulturang kumikilala sa husay at talino.

Ayon kay Guingona, dapat umanong manguna ang pamahalaan sa paglikha ng mga bagong daan at pagkakataon upang pag-alabin ang pagiging makabayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng agham at teknolohiya.

Iginiit pa ng mambabatas na dapat ang mga guro sa science and technology ang magsisilbing intrumento upang paunlarin ang kasalukuyang estado nito para maipaabot sa mga komunidad ang mga bagong tuklas sa larangan ng agham at mga inobasyon sa teknolohiya at sila rin ang maging daan upang mapakinabangan ng mga komunidad ang mga bagong tuklas at inobasyon para matugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Ayon pa sa kanya, maaari lamang magkaroon ng inobasyon kapag matatag ang kultura ng agham at teknolohiya at ang ating mga guro ang mangunguna sa pagpapayabong ng diwa ng inobasyon sa ating mga mag-aaral.