Nagpahayag ng pagkabahala si ARC party-list Rep Narciso Santiago III sa paglaganap ng sugal sa internet dahil wala umanong batas na nagbabawal nito
Dahil dito, isinusulong niya ngayon sa Kamara de Representantes ang HB05613 o ang “Internet Gambling Prohibition Act of 2008” na naglalayong mapangalagaan ang mga kabataan at mamamayan mula sa pagsusugal gamit ang tinatawag na information superhighway.
Sinabi ni Santiago na nahihimok umano na magsugal sa internet ang mga kabataan dahil sa mga premyong ipinamimigay sa iba’t ibang sugal tulad ng mamahaling bakasyon, mga computer, kotse at pera ngunit hindi nila alam kung totoo ang mga naturang papremyo na malinaw na panloloko lamang at panggagatas sa mga mabibiktima ng sugal.
Sa ilalim ng kanyang panukala, mahigpit na ipagbabawal sa sinumang tao na magpasugal gamit ang internet o iba pang pamamaraang gamit ang computer sa pagtaya, pagtanggap ng taya o ang panghihikayat sa pamamagitan ng impormasyon hinggil sa pagtaya sa sugal ng isang mananaya.
Bagaman at ang pagbabawal na ito ay hindi sumasakop sa mga legal na pataya tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office lotto na siyang otorisado at lisensyado ng pamahalaan at ang pasilidad nito ay hayag at bukas sa mga mananaya, gayundin ang pataya sa karera ng kabayo.
Ang sinumang lalabag sa batas ay papatawan ng kaparusahang pagkabilanggo ng hindi lalampas ng apat na taon at pagmumultahin ng katumbas ng mga tinaggap nitong taya o halagang P200,000.00 o pareho depende sa hatol ng hukuman.