Ipinahayag ni Quirino Rep at Chairman at House Committee on Appropriations chairman Junie Cua na inaprubahan na ang panukalang batas na magbubuwag sa Philippine Veterans Assistance Commission (PVAC) ng kanyang komite na duminig hinggil sa probisyon ng pondo ng HB04907 na inihain nina Zambales Rep Antonio Diaz at Pasig City Rep Roman Romulo.
Malugod na sinuportahan ni Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Undersecretary Ernesto Carolina ang pag-apruba sa HB 4907 na nagbubuwag sa komisyon dahil ginagampanan na aniya ng PVAO ang mga tungkulin ng naturang tanggapan.
Nilinaw ni Carolina na walang kawani ng nasabing tanggapan ang maaapektuhan ng pagbubuwag dahil matagal na umanong tumigil ito sa kanilang operasyon.
Ayon kay Diaz, ang PVAC ay wala nang silbing ahensya kaya’t ang mga ari-arian nito ay ililipat na sa pangangasiwa ng PVAO matapos ang pormal na pagbubuwag.
Sa ilaim ng panukala, lahat ng kawani ng PVAC, mga dokumento at talaan, ari-arian at mga pagkakautang ay isasailalim na sa pangangasiwa ng Philippine Veterans Administration.
Itinatag ang PVAC sa pamamagitan ng Presidential Decree 244.
Kaugnay nito, ang administrador ng PVAO ay gagawaran ng kapangyarihan na magpatupad ng pagsasanib ng mga tungkulin, pondo, mga dokumento at talaan, ari-arian at mga pasilidad, kasama na ang mga pagkakautang at mga kawani, batay sa pag-apruba ng Kalihim ng Tanggulang Pambansa.