Monday, March 16, 2009

Pagpatay sa lokal na mga opisyal at mga miyembro ng media, pinasisiyasat

Nagpahayag ng pangamba si Batangas Rep Hermilando Mandanas sa tumataas na bilang ng kaso ng pagpatay sa mga lokal na opisyales at mga miyembro ng media sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sinabi ni Mandanas na ang ilan sa mga kaso ng pagpatay ay isinasakatuparan ng mga bayarang mamamatay-tao na gamit ang motorsiklo at walang pinipiling lugar at oras kahit pa sa harap ng maraming tao.

Ayon sa solon, marami sa krimeng ito ay hindi natuldukan at walang nadarakip na mga kriminal upang maparusahan at ang pagkabigo ng pamahalaan sa pagresolba sa mga kasong ito ay nagpapasindak at nagpapadismaya sa mga mamamayan upang mawalan sila ng tiwala at pag-asa sa pag-aasam ng katarungan, dahil din dito, mas lalong nagiging bulgar ang mga krimen dahil malakas ang loob ng mga gumagawa nito dahil wala ngang napaparusahan.

Dahil dito, inihain niya ang HR00994 upang imbetigahan ang paglaganap ng mga kasong ito dahil batay umano sa ulat ng Amnesty International noong 2008, hindi naiharap sa hustisya ang mga kriminal ns msy kaugnayan sa naturang mga pagpatay.

Iginiit pa niya na napapanahon na umano para magsagawa ng aksyon ang Kamara para siyasatin ang mga polisiya ng pambansang pulisya at lahat ng ahensya ng law enforcement hinggil sa nabanggit na isyu.