Monday, March 09, 2009

Pagmimina sa Mindanao, pinaiimbestigahan ng mga mambabatas

Isinusulong nina Gabriela Reps Luzviminda Ilagan at Liza L. Maza, Bayan Muna Reps Satur Ocampo at Teodoro Casino at Anakpawis Rep Rafael Mariano ang HR00965 na nag-aatas sa Committee on Ecology na pangunahan ang imbestigasyon hinggil sa epekto sa kalikasan ng mga operasyon ng pagmimina sa Mindanao at ang posibleng kaugnayan nito sa nakaraang dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa na nakaapekto sa mahigit na 300,000 katao.

Ito ay bunsod na rin sa utos ni Cagayan de Oro City Mayor Constantino Jaraula na suspendihin ang lahat ng operasyon ng pagmimina sa lungsod kasama na ang dalawang dambuhalang operasyon sa pagmimina ng copper at mga maliliit na pagmimina ng ginto sa mga kanayunang sakop ng iilang mga kalapit-bayan na may operasyon sa mga kabundukan.

Ayon sa mga mambabatas, may 16 na kumpanyang nakatala na kasalukuyang may operasyon sa Mindanao at 8 rito ay nasa lalawigan ng Surigao del Norte, 3 sa Cagayan de Oro, at tag-iisa sa mga lalawigan ng Agusan del Norte, Davao Oriental, Davao del Sur at Surigao del Sur at isang kumpanya naman ang may operasyon sa Cotabato, Saranggani at Dinagat Islands.

Tatlong kumpanya naman sa pagmimina na may operasyon sa Cagayan de Oro ang tinukoy nila at ito ay ang Eagle Crest Mining and Development Corp, Cypress Mining and Devt Corp, at ang Glendale Mining and Devt Corp.

Nais nilang malaman komite kung dapat nga bang papangutin ang mga kumpanyang ito sa mga kalamidad na nangyari sa mga lalawigan sa Mindanao noong nakaraang buwan kung saan ay nagkaroon ng mga dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa na bumiktima sa may 60,000 pamilya o 300,000 katao.

Batay sa ulat na ipinalabas ng National Disaster Coordinating Council o NDCC, umpisa noong ika-20 pa ng Enero 2009 ay may 27 katao na ang nasawi at 5 ang patuloy na nawawala kasama rito ang tatlong katao mula sa Misamis Oriental, isa sa Surigao del Sur at isa sa Agusan del Norte at ang
dahilan ay ang dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa.

Ayon sa kanila, umabot na sa halagang P600 milyon ang mga ari-arian, mga produktong agrikultura at pangisda, imprastraktura at kabahayan ang winasak ng kalamidad dulot ng dagliang pagbaha at pagguho ng mga lupa.

Iginiit ng mga mambabatas sa Kamara ang isang masinsinang rekomendasyon na mahigpit na magbabawal sa pagmimina sa mga delikadong lugar lalo na sa mga pangunahing kagubatan at lugar na pinagkukunan ng malinis na tubig na matatagpuan sa halos kabuuan ng Mindanao.