Nakatakda nang talakayin sa Kamara de Representantes ang mga panukalang batas na naglalayong mabawasan kundi man maiwasan ang polusyong dulot ng ingay at nagtatakda ng kaparusahan sa mga lumalabag nito.
Sinabi ni Zamboanga Sibugay Rep Belma Cabilao, chairman ng Committee Ecology, inaasahang ipapasa sa kapulungan ang HB01648, HB03429 at HB05500 na inihain nina Iloilo Rep Judy Syjuco, Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez at ARC Party List Rep Narciso Santiago III.
Ayon kay Cabilao, lyunin ng HB01648 ang pagkontrol sa mga ingay na nanggagaling sa mga radyo, telebisyon at iba pang kagamitan, air conditioner, refrigerator, heater, pumping at filtering equipment, ingay na nanggagaling sa konstruksyon, mga makinarya at mga bahay aliwan na malapit sa mga kabahayan.
Ang HB03429 naman ay naglalayong limitahan ang ingay na dulot ng mga sasakyang panghimpapawid na pangangasiwaan ng Air Transportation Office na siyang magsasagawa ng pag-aaral sa mga pamamaraan kung papaano mababawasan ang ingay ng mga eroplano sa pamamagitan ng soundproofing, relokasyon at paggamit ng mas tahimik na sasakyang panghimpapawid.
Lilimitahan naman ng HB05500 ang pangkalahatang antas ng ingay kada oras na hindi lalampas sa anim na decibels.
Dahil dito, nagtatag ang komite ng isang technical working group na magsasaayos ng mga probisyong inihain sa ilalim ng mga naturang panukalang batas.