Monday, March 16, 2009

Minahan sa Oriental Mindoro, pinasisiyasat sa Kongreso

Isa na namang malawakang pagmimina sa lalawigan ng Oriental Mindoro ang pinasisiyasat ng mga party-list Reps na sina Satur Ocampo, Teodoro CasiƱo, Liza Maza at Luzviminda C. Ilagan, Rafael Mariano upang maibunyag ang epekto nito sa kalikasan at kabuhayan ng mga mamamayan.

Sa HR00997 na kanilang inihain sa Kamara, pinasisiyasat nila sa Committee on Ecology ang operasyon ng Mindoro Nickel Project Resources (MNPR) at Aglubang Mining (AM) dahil isa umano itong malaking banta sa pagkawasak ng pinagkukunan ng malinis na tubig ng naturang lalawigan.

Sinabi ni Ocampo na ang operasyon ng MNPR at AM ay may basabas umano si Ehekutibong sangay ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Natural Resources bagaman at nauna nang tinanggihan nito ang proyekto sa pagmimina ng mga naturang kompanya dahil sa malaking panganib na dala nito sa kalikasan, mamamayan, kalusugan at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na lubhang makakaapekto sa imbak ng pagkain sa buong lalawigan.

Ayon sa kanya, nanganganib umano ang lalawigan sa epekto ng pagmimina lalo na kapag nadamay na ang Mag-asawang Tubig watershed na siyang pinakamalaking pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon ng may 40,000 ektarya ng palayan sa lungsod ng Calapan.

Idinagdag pa nia na ang mga residente ng Nauhan, Baco at Victoria sa Oriental Mindoro, at ang Alangan at Tadyawan na mga katutubong Mangyan ay nagrereklamo laban sa pagmimina ng Intex Resource at Aglubang Mining dahil sa ikinakalat nitong basura na tumitimbang ng walong milyong tonelada kada taon.

Ibinunyag din ng mambabatas ang plano ng Intex/Aglubang na magtayo ng land-base tailings dams sa mga bayan ng mga Pola, San Teodoro, Pinamalayan at sa lungsod ng Calapan.