Isasalin na sa mga wikang Filipino, Ilokano, Pangasinense, Kapampangan, Bikol, Cebuano,
Samar-Leyte, Hiligaynon, Maranao, Maguindanao at Tausug ang mga umiiral na batas sa bansa sa bisa ng ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Kamara de Representantes ng Kongreso ng Pilipinas at ng Komisyon sa Wikang Filipino kahapon.
Ang mga lumagda sa memorandum of agreement (MOA) ay sina House Secretary General Marilyn Barua-Yap at Jose Laderas Santos, pambansang pangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino at ito ay sinaksihan nina Marikina City Rep Del De Guzman, chairman ng House Committee on Education and Culture at Commissioner Carmelita Abdurahman ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Pormal na isinumite ni Sec Gen Barua-Yap kina Chairman Santos at Commissioner Abdurahman ang labing-siyam (19) na Republic Acts na may pambansang kahalagahan at ipinasa sa panahon ng ika-14 na Kongreso.
Iilan dito ay ang Republic Act 09502, o ang Cheaper Medicine Act; Republic Act 09501, o ang Magna Carta for Micro, Small & Medium Enterprises at Republic Act 09505 o ang batas na nagtatatag sa Provident Personal Savings Plan.
Ang mga ito ang unang bungkos ng mga batas na isasalin ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa ating sariling mga wika o 11 dayalekto batay sa probisyon na nasa ilalim ng House Resolution 331.
Ang panukala ay pangunahing iniakda ni House Speaker Prospero Nograles at inaprubahan ng Mababang Kapulungan nito lamang ika-18 ng Pebrero 2009.