Tuesday, March 17, 2009

Mga baybayin at dalampasigan sa bansa, sasagipin

Minamadali ng House Committee on Natural Resources ang pag-aapruba sa panukalang magtatatag ng programang pangkalikasan upang sagipin ang lumalalang kalagayan ng mga baybayin at dalampasigan sa buong kapuluan.

Sinabi ni Pangasinan Rep Jose de Venecia, isa mga may akda ng panukala, na batay sa pinakahuling bilang, 4.3% na lamang ng mga bahura o coral reefs sa bansa ang nasa maayos na kalagayan at ang iba naman ay unti-unti ng namamatay kungdi man ay patay na.

Bukod dito ay 30% hanggang 40% ng mga halamang dagat ang naubos sa loob ng 50 taon at kapag hindi gumawa ng hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang suliraning ito ay tuluyan nang mawawasak ang ating mga baybaying dagat, dagdag pa ni de Venecia.

Kabilang sa mga may-akda ng panukala ay sina Las PiƱas Rep Cynthia Villar at Leyte Rep Trinidad Apostol.

Ayon naman kay Villar, polusyong gawa ng tao ang pangunahing dahilan sa nakapanlulumong kalagayan ng ating mga baybayin sa bansa, lalo na ang sanhi ng mga basurang walang pakundangang itinatapon sa ating karagatan.

Ani Apostol naman, ang magkakatuwang na ugnayan ng pamayanan at lokal na pamahalaan ang paraan upang matagumpay na mapairal ang mga programang pangkalikasan ng pamahalaan.