Tuesday, March 17, 2009

Manggagawa, nanganganib na mawalan ng trabaho ngayong taon

Nababahala ang mga mambabatas sa mga ulat na maraming mga Filipinong manggagawa ang posibleng mawalan ng trabaho lalo na sa industriya ng electronics at garments.

Sinabi nina party-list Reps Cinchona Cruz-Gonzales at Emmanuel Joel Villanueva na may mga ulat na 60,000 mga Filipinong manggagawa ang nanganganib na mawalan ng trabaho kasama na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na uuwi dahil sa epekto ng krisis pang-ekonomiya ng iba’t ibang bansa.

Dahil dito, hinihimok nila ang pamahalaan na maglaan ng bahagi ng pondo mula sa P330-billion economic stimulus fund para sa pagsasanay ng mga Filipinong manggagawa na mawawalan ng trabaho dito at sa ibayong dagat dahil sa pandagidigang krisis sa ekonomiya.

Ayon kay Gonzales, ang pondo ay maaari din umanong makapagtatag ng mga bagong trabaho at mga proyektong pangkabuhayan para sa mga walang trabaho.

Batay sa mga mga datus, umaabot sa 248,000 Pinoy ang nawalan ng trabaho sa loob ng isang taon mula Abril 2007 hanggang Abril 2008 at sa pagitan ng Disyembre 1, 2008 at Enero 19, 2009 ay may 15,600 manggagawa ang natanggal sa trabaho at aabot naman sa 19,000 ang nabawasan ng oras sa trabaho.

Ayon naman kay Villanueva, ang industriya ng electronics ang lubha umanong apektado ng krisis na kinabibilangan ng 480,000 manggagawa at bumubuo sa pitumpung porsiyento ng mga produktong iniluluwas ng bansa sa ibayong dagat.