Thursday, March 26, 2009

Karagdagang bayad sa text, sinuportahan ng mambabatas

Sinang-ayunan ni Camarines Norte Rep Liwayway Vinzons-Chato ang panukalang patungan ng sampung sentimong karagdagang bayad ang mga mensahe at tawag sa cell phones upang mapagkunan ng pondo ng pamahalaan.

Nauna nang inihain ni Quezon Rep Danilo Suarez ang panukala na naglalayong patungan ng sampung sentimong bayad ang text at tawag upang makaipon ng pondo ang gobyerno para sa edukasyon ng mga mahihirap na kabataan.

Sinabi ni Vinzons-Chato, dating hepe ng Bureau of Infernal Revenue (BIR), na maaaring gamitin ang pondo para sa mga computer subjects sa mga pampublikong paaralan, na mangangahulugang makakatapos ang mga mag-aaral na ito na may ganap na kaalaman sa computer.

Dapat ding pag-aralan ng pamahalaan, ayon pa sa kanya, kung papaano maipaiiral ang e-governance sa lahat ng tanggapan ng gobyerno dahil napakarami pa ring tanggapan ang walang computer, bagama’t mayroon nang tinatawag na business process outsourcing o BPO sa voice calls.

Ayon sa kanya, mula sa makakalap na pondo ay dapat na pagtuunan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng serbisyo ng BPOs upang ang mga regular na tawag at mga katanungan ay kagyat nang masasagot sa pamamagitan ng call centers at ang karagdagang bayad na ito ay ituturing ng pamahalaan na non-tax collection.