Inihain ni Cavite Rep Elpidio Barzaga Jr ang HB05852 na may layuning seguruhin ng deregulasyon sa telekomunikasyon na bumaba ang halaga at taripa ng mga serbisyo nito hindi lamang para sa mga mamamayan kundi gayundin sa mga kumpanya upang magkaroon ng epektibong kompetisyon sa industriya na nangangahulugang pagbababa ng halaga ng serbisyo at mga produkto nito.
Mahalagang probisyon na isinama sa panukala ni Barzaga ay ang pagtatakda ng National Telecommunications Commission (NTC) sa halaga at taripa ng mga serbisyong iginagawad ng mga kumpanyang pang-telekomunikasyon.
Sinabi ni Barzaga na dahil mayroong malusog na kompetisyon sa industriya, marapat lamang umanong hayagan na bayaran ang halagang karapatdapat ng mga kumukunsumo at kung ito umano ang pinakamagandang produkto sa halagang patas at makatarungan para sa publiko.
Nguni’t nakakalungkot umano,ayon pa sa kanya, na hindi ganito ang nangyayari dahil pare-pareho lamang ang mga kumpanya ng pagpresyo at walang epekto dito ang deregulasyon.
Batay sa tantiya ng NTC, aabot sa 65 milyong ang gumagamit ng celfone sa bansa at pangkaraniwan na lamang na nakakapagpadala ng 10 mensahe ang bawat isa kada araw.
Isiniwalat ng Globe telecom na noong 2008 ay umabot sa 500 milyon hanggang 700 milyon papasok at palabas na mensahe ang dumadaan sa kanilang network kada araw at ang kanilang sister company na Touch Mobile na may pinagsanib na subscribers ay aabot sa 23.7 milyon at ang Smart at ang Talk N' Text ng PLDT ay aabot sa 500 hanggang 600 milyong mensahe kada araw at mayroon silang pinagsanib na 43.2 milyong subscribers.
Ngunit walang kapangyarihan ang NTC na magtakda ng regulasyon sa halaga at taripa sa mga kumpanyang ito upang mabigyan ng iba’t ibang alternatibo ang publiko na makapamili sa pagitan ng mga naturang kompanya.