Ipinahayag ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona III kahapon sa hearing ng Joint Congressional Power Commission ang kaniyang pagkabahala sa pag-aasa ng pamahalaan sa pagsasapribado ng industriya ng koryente ngayong may krisis sa ekonomiya.
Sinabi ni Guingona na wala umano tayong masyadong nakikitang pamumuhunan na pumapasok sa ating bansa dahil sa krisis, ngunit ang lahat ng pagkilos ng pamahalaan ay nakasalalay dito.
Ayon sa kanya, kung wala umanong mag-iinvest, malamang makararanas daw tayo ng black-outs kaya dapat na ipalawig pa ang mga debate tungkol sa mga merito ng pagsasapribado ng sektor ng kuryente na pinag-uusapan at binabalangkas.
Aniya, kailangang pag-isipang mabuti ang posibilidad ng pagtatayo ng pamahalaan ng mga bagong planta ng kuryente dahil aabutin sa apat hanggang limang taon ang pagpapatayo ng mga bagong planta kung kaya't kailangang mapag-usapan na ito ngayon bilang urgent matter kung ayaw nating magdebate sa dilim.
Idinagdag pa ng mambabatas na maaari pa ring ipagpatuloy ang pagsasapribado ng mga plantang tumatakbo na, ngunit dahil sa krisis kailangang magtayo ang pamahalaan ng mga karagdagan pang mga planta.