Monday, March 09, 2009

Anomalya sa P117M right-of-way sa Tumana bridge, iimbistigahan

Ipinanukala ni Tarlac Rep Jeci Lapus sa kanyang HR0729 na imbistigahan ng Mababang Kapulungan ang diumano’y anomalya sa overpricing ng P117 milyong na halaga ng right-of-way na gagamitin sa pagpapatayo ng tulay sa Tumana sa Marikina City.

Batay sa Memorandum of Agreement o MOA, binayaran ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang Edgewater Realty Development Inc o ERDI ng kabuuang P117 milyon para sa P10,000 kada metro kuwadradong 11,847 na right-of-way.

Sinabi ni Surigao del Sur Rep Philip Pichay sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Good Government na napakamahal umano ng P10,000 kada metro kuwadradong lupa na bukod sa binabaha ang lugar at napapaligiran ng mga squatters, mayroon ding ilang indibiduwal na umaangking sila ang may-ari ng lupa.

Ayon naman kay Lapus, hanggang ngayon ay hindi pa nililipat sa gobyerno ang titulo ng
pinagtatalunang lupa.

Sa pamamagitan ng MOA, sinabi ni Lapus na nakipagkasundo ang DPWH sa ERDI ng walang probisyon sa termino ng pagbabayad at sa obligasyon na ililipat ang titulo sa gobyerno bago ang kabayaran.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang pagkalkula na ginawa ni DPWH chief of legal division Atty Ma Rocelle Melissa sa halaga ng lupa na P10,000 kada metro kuwadrado.

Hindi umano intensyon ng imbestigasyon para magpasiya ang Komite sa isyu ng pagmamay-ari ng lupa kundi ang malaman kung lumabag sa tungkuling-bayan ang DPWH, dagdag pa ni Lapus.