Tuesday, February 17, 2009

Walang kakulangan sa LPG ayon sa mga solon

Naniniwala ang mga mambabatas sa deklarasyon ni Energy Secretary Angelo Reyes na may nagaganap na iligal na pag-iimbak o hoarding ng liquefied petroleum gas (LPG) ng mga refilling stations at hindi ang kakulangan ng supply nito sa merkado.

Naniniwala si Bukidnon Rep Candido Pancrudo sa ulat ng Department of Energy (DOE) na may nagaganap na kutsabaan sa pagitan ng mga LPG refillers at ng tatlong dambuhalang kompanya ng langis upang palabasin na may kakulangan sa supply ng LPG at bigyang katuwiran ang pagtataas ng halaga nito.

Ayon pa sa knya, maaaring inaasam ng mga kompanya ng langis ang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya sa bansa kaya't ikinakatuwiran nila ang dagdag na P2 kada kilogramo sa halaga ng LPG at dapat din na maging pamantayan ang barbula na ginagamit sa mga tangke ng gas at hindi maging ekslusibo sa iisang supplier ito upang mapabulaanan na may umiiral na kartel.

Matatndaang isiniwalat ni Reyes sa Kamara na nagsagawa na ang kanyang tanggapan ng masusing pagmamanman sa imbak ng LPG sa bansa kasama na ang halaga at kalidad nito at nakikipag-ugnayan din umano ang DOE sa DOJ, DOT, iba't ibang Local Government Units at mga kasapi ng Media upang matugunan ang malaking problema sa LPG.

Ipinanukala rin ang DOE na magsagawa ang pamahalaan ng malawakang kampanya sa impormasyon upang maengganyo ang mga independent players na magkaroon ng kontrata sa imbak at magpairal ng tinatawag na cylinder improvement program.

Sumang-ayon din sina Misamis Oriental Rep Yevgeny Vicente Emano at Bataan Rep. Herminia B. Roman kay Reyes na ang hoarding sa LPG ay pakana ng mga kompanya ng langis para pataasin ang halaga nito.