Nagpahayag ng malaking reserbasyon si Quezon Rep Lorenzo Tanada sa right or reply bill na ipinasa ng Senado sa pangatlo at pinal na pagbasa at nakabinbing ipasa na rin ng Kamara, nang kanyang sinabi na maaaring ang solusyon ay magpapatindi pa sa maging problema.
Mariing sinabi ni Tanada na dapat lamang na i-encourage ng Mababang Kapulungan ang mga mamamahayag na masugid nilang sundin ang journalist's code of ethics.
Ayon sa kanya, sapat na umanong maging batayan ang naturang panuntunan upang maseguro na ang media ay makapag-presenta ng balanseng pagpapahayag ng mga isyu sa lahat ng kinauukulan.
Idinagdag pa ng mambabatas na kung ang mga public figure ay sawa na sa mga expose at mga kontrobersiya kung saan sila ay inilalarawan bilang mga masasama, dapat lamang na maging matino sila sa kanilang paninilbihan at maging magagandang huwaran sila ng may prinsipyong liderato.
Samantala, nagsumite naman si Bacolod City Rep Monico Puentevella ng kanyang amiyenda sa naturang panukala na naglalayong tugunan ang mga pangamba ng mga mamamahayag lalu sa usapin ng tinatawag na editorial discretion, mga pagpapataw ng penalty at pagpapatupad ng batas na hindi dapat matikil ang kalayaan sa pamamahayag.