Nagpahayag ng pagkabahala si Oriental Mindoro Rep Rodolfo Valencia sa unti-unting pagkakasira ng mga ilog sa buong bansa dahil baka umano mawawalan na ng mga tahanan ang sari-saring uri ng mga flora at fauna at bukod pa rito, malaki ang naiaambag nito sa irigasyon sa mga palayan at sa pangingisda at pagkaing nakukuha rito at bukod pa rin sa ibat iba pang gamit nito tulad ng pinagkukunan ng malinis na tubig at nakapagdadala pa ito ng enerhiya sa mga mini-hydro prower plant.
Sinabi ni Valencia na ang pinakamabisang sandata para mapangalagaan at maprotektahan mula sa pagkawasak ng mga ilog at kapaligiran nito na siyang kagagawan ng mga berdugo ng kalikasan lalu na sa kanyang lalawigan ay ang pagpapasa ng kaukulang batas upang maseguro ang rehabilitasyon, proteksiyon at pangangalaga ng mga lugar na ito.
Dahil dito inihain ni Valencia ang HB03180 na magdideklara sa mga lugar sa pagitan ng Aglubang-Ibolo Rivers sa Bago, Naujan, Victoria, Sablayan, Victoria, Naujan, Baco, at Calapan City na ayon sa kanya ay winawasak ng walang humpay na resulta ng pagguho ng lupa, pagkakalbo ng kagubatan, pagdumi ng malinis na tubig at pagbaba ng kalidad nito bukod pa sa mga basurang ikinakalat ng mga tao, na pinatunayan naman ng Department of Environment and Natural Resources.
Sa parte naman House Committee on Natural Resources na pinamumunuan ni Negros Occidental Rep Ignacio Arroyo, inaprubahan na nito ang pagtakda na talakayin ang nabanggit na panukala alinsabay sa iilan pang mga panukalang kahalintulad nito na inihain ng iilan pang mga kongresista upang maiangat na sa plenaryo para ipasa ng Kamara.