Ipagababawal na sa mga tanggapan ng pamahalaan, kasama na ang Office of the President, ang paggamit ng di-nakatalagang pondo o ang tinatawag na unprogrammed funds na nakapaloob sa taonang General Appropriations Act (GAA) sa sandaling maipasa ang HB05723.
Sa inihain panukala ni Bukidnon Rep Teofisto Guingona III, layunin nito na maiwasan na ang deficit o kakulangan sa pondo na taun-taon ay lumolobo dahil ayon sa kanya, bagamat ang unprogrammed funds na isang probisyon sa GAA bilang estratehiya upang sa panahon ng pangangailangan ay mahuhugot ito bilang karagdagang pang-pondo ng gobyerno sa mga taunang gastusin, naabuso umano ito ng ehikutibo dahil kahit na ang Kongreso ang pangunahing nag-aakda nito, kapangyarihan pa rin ng ehekutibo ang namamayani.
Sinabi ng mambabatas na ang pangangasiwa ng pondo ay dapat sumunod umano sa tamang prinsipyo ng pamamahala ng pondo na nakabatay sa mabisa at mahusay na paggamit ng yaman at ang kakulangan umano ng kongkretong probisyon sa pangangasiwa nito ay magreresulta sa hindi matatag na sistema.
Dahil dito ipinanukala ni Guingona na ipagbabawal din sa dalawang kapulungan ng Kongreso na magpasa ng panukalang tinatawag na unprogrammed funds sa General Appropriations Act.